Bukod sa bagong koronang Miss Universe 2025 na si Fatima Bosch, trending din sa social media si Jinkee Pacquiao matapos mapansin ng mga pageant fan ang kanyang pagkakahawig sa bagong titleholder.

Pinagkatuwaan ang bagong celebrity grandmom sa mga post na tinag siya bilang “Miss Mexico”, bansa na kinakatawan ni Bosch nitong Friday, Nov. 21 — ang mismong araw ng coronation ng Miss Universe 2025.

Isa sa mga post ay ibinahagi ng social media personality na si Senyora, na itinag sa kanya ang mga larawan ni Bosch sa swimsuit competition.

Nilagyan ito ni Senyora ng caption na: “Iba rin talaga barang ni Ms Jinkee Pacquiao! Pasok din Top 5! Go Ms Jinkee! Make Manny proud!”

Nag-react si Jinkee sa post at sinabing: “Parang ang layo naman Senyora, pero thank you na rin.”

Sa kanyang Instagram Stories ay halatang naaliw si Jinkee dahil ni-repost niya ang ilang photos at stories ng fans na bumati sa kanya, na akala mo’y siya ang winner sa Miss Universe 2025.

Kabilang dito ang isa pang post ni Senyora ng photo ng winning moment ni Bosch pero ang wagas na binati niya ay si Jinkee: “Congrats Ms. Jinkee Pacquiao! You’ve made the Philippines proud.” (IS)