May mga taong hindi ka naman direktang sinasaktan, pero unti-unti ka nilang inuubos.

Hindi sa sigaw. Hindi sa sampal. Hindi sa malinaw na pang-aapi.

Kundi sa paulit-ulit na pagkuha, sa pagbalewala, at sa pagpaparamdam sa’yo na sa sarili mong bahay, ikaw ang bisita.

Ako si Nina Reyes. Tatlong taon na akong kasal kay Paolo de Leon.

At sa loob ng halos dalawang taon, tuwing alas-tres ng hapon kada Linggo, eksaktong oras, tumutunog ang doorbell namin na parang may alarma ang buong angkan.

Alam ko na agad kung sino.

Pinupunasan ko ang kamay ko sa apron at binubuksan ang pinto.

At tulad ng inaasahan, naroon si Karen, ang bunsong kapatid ni Paolo, may bitbit na tatlong eco bag na walang laman. Sa likod niya, minsan ang asawa niyang si Dennis, minsan ang anak nilang si Miko, pitong taong gulang, pero kadalasan—siya lang ang sapat para maubos ang kalahati ng laman ng bahay.

“Nina, busy ka ba?” nakangiti niyang tanong, pero hindi na naghihintay ng sagot.

Diretso na siyang papasok sa kusina.

Sa sala, nakaupo ang biyenan kong si Aling Cora, nakasandal sa sofa habang nanonood ng noontime replay kahit hapon na. Pag nakita si Karen, akala mo piyesta.

“Anak, dumating ka na! Halika nga, may baon akong para kay Miko.”

Minsan pera. Minsan biscuit. Minsan kung ano pang gustong ipamigay mula sa bahay na ako ang bumibili.

Babalik ako sa lababo, maghuhugas ng plato, habang naririnig ko ang tunog ng ref na binubuksan at isinasara.

Hindi ko na kailangang lumingon.

Alam ko na ang eksena.

Yung imported yogurt na binili ko para sana sa baon namin ni Paolo sa opisina.
Yung salmon na naka-seal pa.
Yung isang kahon ng dumplings na ginawa ko noong Sabado.
Yung ubas, strawberries, butter, keso, bacon, maging tirang ulam na pwede pang hapunan.

Lahat ’yon, isa-isang napupunta sa eco bag.

“Ang sarap talaga ng yogurt na ’to,” masaya kong maririnig mula sa likod. “Si Miko gustong-gusto ’to. Tatlong araw pa lang, ubos agad ’yung huli.”

Hindi ako sumasagot.

Isinasalansan ko lang ang mga pinggan sa dish rack na parang wala akong naririnig.

“Uy, ang fresh nitong hipon. Sige ha, kukunin ko na ’to. Wala na rin akong time mamalengke bukas.”

Parang simpleng pabor lang. Parang natural lang. Parang bahagi na ng routine ng lahat—maliban sa akin.

Paglabas ko ng kusina, makikita ko ang ref na halos wala nang laman. Tatlong bag, punong-puno. Ang natitira na lang minsan, isang bote ng toyo, kalahating sibuyas, at konting yelo sa freezer.

“Ate, uwi na kami,” sasabihin ni Karen na para bang may inihatid pa siyang regalo.

At ang biyenan ko, nakangiting ihahatid siya sa pintuan.

Pag-alis nila, ako ang maglilinis ng mumo ng biscuit sa sahig. Ako ang mag-aayos ng mga basong ginamit nila. Ako rin ang mag-iisip kung anong ipapakain ko sa asawa ko pag-uwi niya.

Noong una, tahimik lang ako.

Sabi ko sa sarili ko, baka minsan lang.

Pero ang minsan, naging linggo-linggo. Ang linggo-linggo, naging normal. At ang normal, naging obligasyon ko na yata sa paningin nila.

Nang minsang umuwi si Paolo at binuksan ang ref, sumilip lang siya saglit tapos sinara rin agad.

“Nin, may makakain pa ba?” tanong niya.

“Wala na. Kinuha ulit ni Karen.”

Huminto siya. Mga dalawang segundo. Tapos ’yung mukhang iyon—’yung alam mong naiilang pero ayaw gumawa ng eksena—ay bumalik na naman sa mukha niya.

“Hayaan mo na. Bibili na lang ako sa labas.”

“Last week yung manok. Noong isang linggo ’yung beef strips. Ngayon pati dumplings at prutas.”

Mahinahon kong sabi, kahit kumukulo na ang dibdib ko.
“Linggo-linggo nangyayari ’to, Paolo. Ano bang matitira sa atin?”

Umupo siya sa kama nang gabing iyon at hindi ako matingnan nang diretso.

“Alam mo namang medyo gipit sila,” sabi niya. “Tsaka sabi ni Mama, pamilya naman.”

Pamilya.

Napangiti ako noon, pero mapait.

Noong ikinasal si Karen, halos ₱300,000 ang ibinigay na tulong ng mga magulang nila. Kumpleto sa appliances at cash gift pa. Noong kami ni Paolo, ₱15,000 lang ang inabot sa amin at sinabi pang “magtipid muna kayo, bagong simula pa lang.”

Hindi ko iyon isinumbat kailanman.

Pero ngayon, kada Linggo, pakiramdam ko unti-unti nilang binabawi sa akin ang karapatang matawag na maybahay ng bahay na ito.

Minsan pagkain. Minsan gamit.

Yung silk scarf na regalo sa akin ng nanay ko noong birthday ko? Nakita ko na lang minsang suot ni Karen sa family lunch.

Yung special tea set na dinala ko mula sa bahay namin? Ilang beses na iyong pinupuntirya ng mga mata niya.

At ang pinakamasakit, hindi ang pagkuha nila.

Kundi ang pananahimik ni Paolo.

Parang gusto niya ng kapayapaan kahit ako ang unti-unting nadudurog.

Isang Biyernes, habang nasa grocery ako, tumawag si Aling Cora.

“Nina, bukas darating si Karen. Bilhin mo ’yung malalaking hipon na gusto nila ha.”

“Po?”

“’Yung imported kung meron. At dagdagan mo na rin ng grapes. Naubos agad nung nakaraan.”

Parang hindi pakiusap. Parang utos.

Tumingin ako sa cart ko—gatas, itlog, tinapay, detergent, kaunting prutas, at frozen goods para sa isang linggong pagod na naman sa trabaho.

“Cige po,” sagot ko.

Pero sa totoo lang, ang kinuha ko ay ’yung pinakamurang hipon na meron.

Kinabukasan, dumating si Karen nang mag-isa.

Binuksan niya ang ref at agad sumimangot.

“Ha? Ibang brand ’to. Wala na ba ’yung mas malaki?”

“Wala na raw stock,” sabi ko, hindi lumilingon.

Kinuha pa rin niya.

Kasama ng siopao, prutas, meat spread na ginawa ko kagabi, dalawang tray ng itlog, at kalahating kilo ng chicken breast na balak kong i-marinate para sa Lunes.

Bago siya umalis, tumingin siya sa tea set sa cabinet.

“Ate, hiram ko muna ’yang tea set mo ha? May bisita kasi ako sa Tuesday. Ibabalik ko rin naman.”

Napatingin ako sa kanya.

Regalo iyon ng nanay ko noong ikatlong anibersaryo namin ni Paolo.

“Hindi pwede.”

Parang hindi siya nakapaniwala. “Ha? Hihiramin lang naman.”

“Hindi pwede.”

Biglang tumigas ang ngiti niya.

“Grabe ka naman. Tea set lang.”

“Tea set ko ’yon.”

Hindi na siya sumagot. Malakas niyang isinara ang pinto pag-alis.

Pag-uwi ni Aling Cora, agad siyang sumugod sa kusina.

“Dumaan si Karen?”

“Opo.”

“Ba’t daw ang sungit mo?”

Nasa kalan ako noon, pinapakuluan ang tubig, pero sa tanong na iyon, pakiramdam ko pati singaw ng niluluto ko ay bumigat.

“Gusto niyang hiramin ’yung tea set ng mama ko. Hindi ako pumayag.”

At doon nagbago ang mukha niya.

“’Yon lang? Nina, ang liit-liit na bagay, ipinagdadamot mo pa? Pamilya tayo rito!”

Dahan-dahan kong pinatay ang kalan.

“Regalo po iyon ng nanay ko.”

“Mas dapat nga maging bukas-palad ka. Hindi ka ba nahihiyang tawaging kapatid si Karen?”

Hindi ako sumagot.

Dahil alam kong kahit anong sabihin ko, ako pa rin ang lalabas na makasarili.

Nang gabing iyon, umuwi si Paolo nang pagod. Tinanong niya ako kung nag-away raw ba kami ng mama niya.

“Hindi away,” sabi ko. “Napuno lang ako.”

“Hayaan mo na. Gusto lang naman ni Mama na maayos ang samahan.”

“Samahan?” napatawa ako nang mahina. “Paolo, kailan mo ako ipinagtanggol?”

Tahimik siya.

“Kailan mo man lang sinabi sa kapatid mo na tama na? Na hindi ito grocery. Na hindi ito storage ng pamilya n’yo?”

Hindi siya nakatingin sa akin.

Pagkatapos ng hapunan, saka lang siya nagsalita.

“Sa susunod, palalakihin ko na lang ang ref. Para mas marami nang mailagay.”

Doon ako tuluyang natahimik.

Hindi niya nakita ang problema.

Gusto lang niyang palakihin ang lalagyan ng pang-aabuso.

Kinabukasan, Linggo na naman.

Alas-dos pa lang ng hapon, umalis na ako ng bahay. Umupo ako sa maliit na park sa kanto at pinanood ang mga batang nagba-bike habang paulit-ulit kong binabasa ang sarili kong mga iniisip.

Alas-tres, nag-message si Karen.

“Ate, wala ka dito? Binuksan ni Mama. Kukuha lang ako ng konti ha.”

Hindi ako nag-reply.

Pag-uwi ko ng alas-kuwatro, halos walang laman ang ref.

At sa sofa, kalmado lang na sabi ni Aling Cora, “Sabi ko kunin na niya, para hindi masira.”

Doon ko isinara ang pinto ng ref nang dahan-dahan.

Tumingin ako sa malamig na salamin nito, saka sa biyenan kong parang wala lang.

Pagkatapos, dumiretso ako sa kuwarto.

Kinuha ko ang maleta sa ilalim ng kama.

Kasabay noon, tumunog ang phone ko. Message ni Paolo mula sa out-of-town work trip niya.

“Nin, Sunday na naman. Nandiyan ba si Karen? Pakiwanan ako ng dumplings sa freezer pagbalik ko ha.”

Humigpit ang hawak ko sa zipper ng maleta.

Dahil alam kong sa pagkakataong ito, hindi na dumplings ang mawawala.

Kundi ako.

part2…

Hindi agad nag-sink kay Aling Cora ang ginagawa ko.

Nasa pinto pa lang ako ng cabinet nang marinig ko ang boses niya mula sa sala.

“Ano ’yang kinakaladkad mo?”

“Maleta po.”

Lumabas siya ng tuluyan at napatigil nang makita akong naglalagay ng mga damit ko sa loob.

“Ba’t ka nag-eempake?”

“Uuwi muna ako kina Mama.”

“Dahil lang sa laman ng ref?” tumaas agad ang boses niya, parang ako pa ang may topak.

Huminto ako at tumingin sa kanya.

Tatlong taon ko siyang pinagbigyan. Tatlong taon ko ring kinain ang bawat salitang gusto kong sabihin. Pero sa sandaling iyon, pakiramdam ko ang bigat-bigat ng dibdib ko ay biglang luminaw.

“Hindi po dahil sa ref.”

“E bakit?”

Isinara ko ang drawer, saka ako humarap nang diretso.

“Dahil napagtanto ko na hindi ako pamilya rito. Tagaluto ako. Tagalinis. Tagapuno ng ref. Tagabili ng paborito ng kapatid ni Paolo. Pero kapag ako na ang mapapagod, ako pa ang madamot.”

Biglang tumigas ang panga niya.

“Ang dami mong sinasabi. Lahat naman kami dito pamilya ang turing sa ’yo.”

“Talaga po ba?” mahina kong sabi. “Kasi sa tuwing may kinukuha sa akin, sinasabihan n’yo akong umintindi. Pero kahit minsan, hindi ko maalalang may umintindi sa akin.”

Hindi siya agad nakasagot.

Ibinaba ko ang huling pouch sa maleta at sinara iyon.

“Mabuti na rin po siguro. Tutal, lagi n’yo namang sinasabing ‘pamilya naman.’ E di kayo na lang po muna rito, magkakapamilya.”

“Ano bang drama mo? Uuwi ka lang din naman.”

Ngumiti ako.

“Opo. Uuwi ako sa bahay ng nanay ko.”

Hindi ako naghintay ng sagot niya.

Lumabas ako ng bahay na dala ang maleta, handbag, at isang katahimikang ngayon ko lang ulit naramdaman sa loob ng tatlong taon.

Pagdating ko kina Mama sa Marikina, isang tingin lang niya sa mukha ko at hindi na siya nagtanong nang marami.

“Anak, kumain ka na ba?”

Iyon lang.

Iyon lang ang tanong na halos nagpaluha sa akin.

Dahil sa bahay na iyon, walang kailangang ipaliwanag para mapahinga.

Noong gabing iyon, tumawag si Paolo.

“Nin, anong ibig sabihin ng sabi ni Mama? Umalis ka raw?”

“Oo.”

“Bakit ka biglang umuwi?”

“Hindi biglaan, Paolo. Matagal na ’to.”

Sa kabilang linya, narinig ko ang malalim niyang buntong-hininga.

“Pwede ba nating pag-usapan nang maayos pagbalik ko?”

“Tatlong taon ko nang gustong makipag-usap nang maayos.”

Tumahimik siya.

Akala ko doon na matatapos. Pero hindi.

Dahil nagsimula ang totoong gulo pagkalipas ng tatlong araw.

Unang tumawag si Aling Cora.

“Nina, nasaan ’yung resibo ng monthly groceries?”

“Nasa drawer po sa kusina.”

“Wala rito.”

“Baka nailipat.”

“Eh ’yung listahan ng delivery ng tubig? ’Tsaka ’yung pambayad sa internet? ’Tsaka bakit walang marunong sa setting ng washing machine?”

Tahimik akong nakikinig.

Sa bahay na iyon, ako lahat ang gumagawa. Ako ang bumubuo ng grocery list, ako ang nagbabayad ng bills online, ako ang nag-aabang ng delivery, ako ang nag-aayos ng menu kada linggo, ako ang naghihiwa ng karne at nagma-marinate para may madaling maluto.

Akala nila, natural lang lumilitaw ang maayos na bahay.

Hindi pala.

Kinabukasan, si Karen naman.

“Ate, nandiyan ba sa ’yo ’yung extra key ng cabinet? Hindi mabuksan ni Mama ’yung lagayan ng tsaa.”

“Nasa key organizer sa may ref.”

“Wala.”

“Baka nailipat.”

Suminghap siya. “Ate, pwede bang paki-explain mo kay Mama kung paano gamitin ’yung air fryer? Nag-aaway kami rito dahil nasunog ’yung fish fillet.”

Napapikit ako sandali.

Tatlong araw pa lang akong wala, at parang biglang bumagsak ang lahat ng “madadaling bagay” na dati’y walang nakakapansin.

Pang-anim na araw, si Paolo ang tumawag habang pauwi siya galing biyahe.

Pagbukas ko ng video call, mukha siyang pagod na pagod.

Sa likod niya, kita ko ang kusina namin.

Magulo.

May nakabukas na mga cabinet, may kalderong hindi nahugasan, at sa mesa, dalawang paper bag ng takeout.

“Nin…” mahina niyang sabi. “Pwede ba tayong mag-usap?”

“Ano na naman ’yon?”

Huminga siya nang malalim. “Mali ako.”

Hindi ko inaasahan iyon.

Hindi mula sa lalaking palaging pinipiling manahimik.

“Pag-uwi ko,” sabi niya, “wala akong mahanap na kahit ano. Hindi ko alam kung kailan due ang kuryente. Hindi ko alam na ikaw pala lahat ang nag-aasikaso. Kahit si Mama, hindi alam kung anong lulutuin. Si Karen, dalawang beses nang nagdala ng container pero ni itlog, wala nang makuha kasi hindi pala kusang napupuno ang ref.”

Napatingin ako sa screen.

Sa unang pagkakataon, wala siyang depensa. Wala siyang “hayaan mo na.” Wala siyang “pamilya naman.”

“Alam mo bang sampung araw na puro padeliver sila?” dagdag niya. “At kahapon, nag-away sina Mama at Karen dahil sinabi ni Mama na siya na raw ang gumagastos sa bahay. Tapos sumagot si Karen na dati naman daw ikaw ang bumibili ng lahat.”

Napatawa ako nang mahina, pero hindi iyon masaya.

Parang may mapait na bagay lang na tuluyang lumabas sa lalamunan ko.

“At ngayon?” tanong ko.

“Ngayon… naiintindihan ko na.”

Hindi ako agad sumagot.

Dahil ang totoo, hindi sapat ang pag-intindi kung nasira na nang matagal ang respeto.

“Paolo,” sabi ko sa wakas, “hindi ko iniwan ang bahay dahil sa pagkain. Umalis ako dahil walang nagtanggol sa akin. Kasi paulit-ulit akong ginagawang masama para lang walang ma-offend sa pamilya mo.”

“Alam ko.”

“Hindi. Ngayon mo lang alam. Noon, pinili mong hindi malaman.”

Kitang-kita ko ang sakit sa mukha niya.

At sa unang pagkakataon, hindi ako umurong dahil naaawa ako.

“Sasabihin ko sa’yo ang kailangan ko,” diretsahan kong sabi. “Una, tigilan na ng kapatid mo ang pagpunta roon na parang may karapatan siya sa lahat ng nasa bahay. Pangalawa, ang nanay mo, kailangan niyang maintindihan na hindi kabutihang-loob ang tawag sa pagkuha ng hindi sa kanya. Pangatlo, kung babalik man ako, hindi bilang katulong na libre.”

Tumango siya agad.

“Gagawin ko.”

“Tapos na ako sa pangakong napapako.”

“Hindi na.” Halos pabulong na ang boses niya. “Nakausap ko na si Karen. Nagalit siya, pero sinabi ko na wala na siyang kukunin sa bahay nang walang paalam. At si Mama… nasaktan, pero sinabi kong ikaw ang asawa ko. Ikaw ang dapat kong inuuna.”

Napakagat ako sa labi.

Masyado ko iyong matagal hinintay para basta lang maniwala.

Kaya hindi ako agad umuwi.

Pinatagal ko pa ng apat na araw.

Sa apat na araw na iyon, si Paolo ang paulit-ulit na tumawag. Hindi para pilitin ako. Hindi para magdrama. Kundi para i-update ako.

Na nag-grocery siya gamit ang sarili niyang listahan.
Na natutunan niyang i-set ang washing machine.
Na nilagyan niya ng lock ang side cabinet kung saan nakalagay ang mga personal kong gamit.
Na kinausap niya nang masinsinan si Aling Cora tungkol sa boundaries.
Na si Karen, unang beses daw, umalis na naka-simangot nang walang naiuwing kahit ano.

Sa ikasampung araw, siya mismo ang pumunta sa bahay nina Mama.

Hindi siya umakyat agad.

Tumayo lang siya sa labas, may hawak na paper bag ng paborito kong hopia at isang maliit na notebook.

Pagpasok niya sa sala, halatang kabado siya.

Inabot niya sa akin ang notebook.

“Ano ’to?”

“Listahan,” sabi niya. “Ng lahat ng hindi ko nakita noon.”

Binuksan ko iyon.

Nakasulat doon, isa-isa, ang mga bagay na ako pala ang gumagawa sa bahay. Groceries every Friday. Meal prep every Saturday. Bills every 25th. Inventory ng freezer. Vitamins ni Mama. Favorite snacks ni Miko na ako rin pala ang bumibili. Pati schedule ng water delivery at pagpapalit ng gasul.

Sa dulo ng listahan, may isang linyang sulat-kamay na medyo tabingi.

“At sa lahat ng ’yan, nakalimutan kong bantayan ang taong gumagawa ng lahat.”

Hindi ko napigilang mapayuko.

Hindi dahil napatawad ko agad siya.

Kundi dahil sa unang pagkakataon, may umamin sa bigat na ilang taon kong binuhat nang mag-isa.

“Hindi kita mapipilit umuwi,” mahina niyang sabi. “Pero gusto kong magsimula ulit nang tama. Hindi bilang lalaking umiiwas sa gulo. Kundi bilang asawang marunong pumili ng tama, kahit may magalit.”

Mahaba ang katahimikan.

Mula sa kusina, naririnig ko si Mama na naghahain ng tsaa. Ang tsaa na hindi kailanman ipinahiram sa iba dahil alam niyang may mga bagay na hindi dapat inaagaw, kahit pa pamilya ang humihingi.

Tumingin ako kay Paolo.

“Kapag bumalik ako,” sabi ko, “may mga bagay nang hindi pwedeng bumalik sa dati.”

“Oo.”

“Kapag may kumuha ulit nang walang paalam—kahit kapatid mo pa—ikaw ang magsasalita.”

“Oo.”

“At kapag ako ang nasaktan, hindi na sapat ang ‘hayaan mo na.’”

Tumango siya. “Hindi na talaga.”

Pagkaraan ng dalawang araw, umuwi ako.

Hindi para magpakamartir ulit.

Hindi para magtiis ulit.

Kundi para subukang buuin ang tahanan namin sa paraang may respeto.

Pagpasok ko sa bahay, malinis ang sala. Maayos ang kusina. May laman ang ref—hindi bongga, pero sapat. At sa pinto ng ref, may nakadikit na maliit na note na sulat-kamay ni Paolo:

“Para sa bahay natin. Hindi para sa kung sino-sinong kukuha.”

Natawa ako nang mahina.

Mula sa kwarto, lumabas si Aling Cora. Hindi siya agad nagsalita. Para bang nahihirapan siyang lunukin ang pride niya.

“Nina,” sabi niya sa wakas, “may niluto akong sinigang. Baka gusto mong tikman.”

Simple lang. Walang “sorry.” Walang drama.

Pero alam kong para sa isang tulad niya, iyon na ang pinakamalapit sa pag-amin.

Hindi ko rin siya pinahirapan.

“Cige po.”

Hindi lahat ng sugat kailangang tahiin agad. May ilan, kailangan lang munang tigilan ang pagkakamot.

Makalipas ang ilang linggo, dumaan si Karen.

Wala siyang eco bag.

Nasa pinto lang siya at may dalang tinapay para kay Aling Cora. Hindi na siya dumiretso sa kusina. Hindi na siya nagbukas ng ref. At nang mapatingin siya sa tea set sa cabinet, mabilis din niyang inalis ang tingin niya.

May ilang tao palang marunong rumespeto—kapag sa wakas may nagturo sa kanila ng hangganan.

At ako?

Ngayon, tuwing Linggo ng alas-tres, kapag tumunog ang doorbell, hindi na ako kinakabahan.

Dahil alam ko na, sa wakas, hindi na ako mawawala sa sarili kong bahay.

Minsan, ang pagmamahal sa pamilya ay hindi ibig sabihing papayag kang ubusin ka. Ang tunay na malasakit ay may respeto, may hangganan, at may paninindigan. Kapag hindi mo ipinaglaban ang sarili mo, may mga taong iisipin na puwede ka na lang laging kunin nang kunin. Pero kapag natuto kang tumayo para sa sarili mo, doon nagsisimulang matuto ang iba kung paano ka tratuhin nang tama.