Justice delayed is justice denied. Yan ang madalas nating marinig sa tuwing may kasong tila ba mabagal ang usad. Para bang unti-unting nawawala ang pag-asa na makamit pa ang hustisya para sa isang biktima. Ngunit hindi ito ang nangyari sa kaso ng isang dalagang may pangarap maging broadcast journalist na brutal na pinatay noon sa General Santos City.

Para sa kanyang pamilya at sa lahat ng nagmamahal sa kanya, justice may have been delayed, but it was no longer denied. Dahil makalipas ang ilang taon, nakamit din nila ang matagal nilang inaasam na hustisya ngayong buwan. Hindi ito basta kwento ng kanilang mahabang laban para sa kanilang mahal sa buhay na nabiktima.

Isa rin itong patunay at matinding babala sa sinumang magtatangkang gumawa ng ganitong krimen na gumagana pa rin ang justice system. At para sa iba pang mga biktima, magsilbi sana itong paalala na gaano man katagal ang trial, may pag-asa pa ring naghihintay. Ating balikan ang kwento sa likod ng karumal-dumal na pagpaslang na ito. Siya si Cindy Rose Villena, isang 19 anyos na dalagang ipinanganak noong March 19, 1995 at tubong General Santos City.

Kung nabubuhay siya ngayon, malamang ay may sarili na siyang pamilya at marahil napapanood na natin sa telebisyon, nagbabalita o baka naman isa na ring artista. Bunso siya sa dalawang anak na babae ng mag-asawang Ricardo at Arlene Villena. Sanggol pa lamang si Cindy ay kapansin-pansin na ang kanyang angking kagandahan.

Kwento ng kanyang ina, unang beses daw niyang narinig ang papuring yon mula sa pari na nagbinyag sa anak na nagsabing ang ganda-ganda niyang bata. Mas lalo pang namukadkad ang kanyang ganda nang siya’y magdalaga. Beauty and brains ika nga. Dahil ayon sa kanyang ina hindi lamang siya maganda kundi matalino rin. Mula kinder pa lamang ay honor student na siya.

Ngunit hindi lang talino at panlabas na anyo ang ipinagmamalaki kay Cindy. Likas din ang kabutihan ng kanyang puso. Matulungin at maawain siya lalo na sa kapwa niya bata. Ibinahagi pa ni Aling Arlene na tuwing may nakikita si Cindy na batang humihingi ng pagkain o pera, agad niya itong sinasabi sa kanyang ina.

May pagkakataon pa nga raw na naibigay niya ang lahat ng dala niyang pera sa mga batang nanghihingi kaya napilitan siyang humiram ng pamasahe sa mga kaibigan para makauwi. Bilang bunso, napaka-close niya sa kanyang ina at mahal na mahal siya nito. Inaalagaan siya ng husto. Halos ayaw na ngang mapalo o padapuan ng lamok.

Kapag siya’y nagkakasakit o magkalagnat lang ng isang beses ay pinapa-check up niya agad sa doktor. Ganun siya iniingatan at pinahahalagahan ng kanyang pamilya. Sa isang emosyonal na pahayag ng kanyang ate, inilarawan siya bilang napakabait na kapatid at anak.

Noong bata pa raw si Cindy, makulit at medyo pasaway din na normal naman sa isang bata. At tulad ng ibang magkakapatid, nag-aaway din sila. Ngunit hindi nila hinahayaang matapos ang araw ng hindi nagkakaayos. Para naman sa iba pang mga tao na nakakakilala sa kanya, tunay at taos puso ang kanyang mga ngiti. Hindi siya mahirap pakisamahan at madaling makagaanan ng loob lalo na sa mga bagong kakilala pa lamang niya.

Punong-puno ng pangarap sa buhay si Cindy. Minsan pa nga biniro siya ng kanyang auntie kung talagang matalino raw siya sa public school, patunayan niya sa private school. Kaya lumipat siya sa Notre Dame of Dadiangas University sa General Santos City kung saan nag-aaral din ang kanyang ate. Pagtuntong niya ng college ay kinuha niya ang kursong BS Mass Communication, ang unang hakbang sa pagtupad ng kanyang pangarap na maging isang tanyag na broadcast journalist. Ngunit hindi lang yon ang kanyang pangarap. Nais din niyang maging artista. Isang pangarap na hindi rin malayong maabot sana dahil sa kanyang angking ganda at karisma. Ngunit bago pa man siya mag-college, nagpasya ang kanyang ina na mangibang bansa upang makaipon at matustusan ang pag-aaral nilang magkapatid. Noong June 2010, nakatakda na ang paglipad ni Aling Arlene patungong Cyprus.

Pasado 7 ng umaga ay nagkaroon sila ng isang emosyonal na pag-uusap ni Cindy. Papasok na rin siya noon sa eskwela at madamdamin nitong sinabi sa ina na uuwi siya ng hapon. Pero hindi na pala sila magkikita. Kumurot iyon sa puso ni Aling Arlene. Alam niyang ilang taon silang magkakahiwalay at hindi magiging madali ang lahat.

Malungkot man, nagpakatatag siya at niyakap ang anak bago sila tuluyang naghiwalay. Dalawang taon lang sana ang plano niyang pananatili roon. Ngunit dahil kailangan pa niyang makaipon para sa dalawa niyang anak na kapwa nag-aaral sa college kaya napilitan siyang mag-extend. At hindi man lang niya naisip na ang pag-alis niyang iyon sa Pilipinas ang magiging huling pagkakataon na mayayakap niya si Cindy.

Sa kanyang ikaapat na taon sa ibang bansa ay magaganap ang trahedyang wawasak sa kanyang mundo at sa lahat ng kanilang mga pangarap. Nasa third year na noon si Cindy sa kanyang kurso. Kasabayan ng kanyang pag-aaral ay nagfa-freelance model din siya upang makatulong sa gastusin. Minsan na rin siyang sumali sa isang broadcasting competition ng ABS-CBN.

Noong January 23, 2014, tila isa lamang itong ordinaryong araw sa buhay estudyante ni Cindy. Maayos siyang nagpaalam sa kanyang ama bago umalis ng bahay. Noong araw na iyon ay masaya pa siyang nakapag-shoot para sa isang marketing company. Kinagabihan bandang 10 ng gabi ay tinawagan siya ng kanyang ama at pinauuwi na.

Nag-aalala ito dahil madalas na siyang ginagabi ng uwi, dulot ng pag-aaral at pagmomodelo. Sumagot naman si Cindy at sinabing maya-maya pa siya dahil umuulan. Nabanggit din niyang galing siya sa shoot. Ngunit nang tanungin siya ng ama kung saan yun upang masundo na sana siya ay hindi na siya nakasagot. Inisip na lamang ni Mang Ricardo na baka na-lowbat ang cellphone ng anak o baka ayaw muna nitong magpaistorbo.

Ngunit pagsapit ng hating gabi hanggang kinaumagahan hindi pa rin siya nakauwi. Dito na nagsimulang mabahala ang kanyang pamilya lalo na’t hindi na rin siya makontak pa. Wala silang kaalam-alam na kasabay ng katahimikan ng gabi at patak ng ulan ay unti-unti na ring nagaganap ang mga huling sandali ng pakikipaglaban ni Cindy para sa kanyang buhay.

At ang simpleng pag-aalala ay mabilis na napalitan ng matinding lungkot at dalamhati. Isang nakapanlulumong balita ang dumating sa Ama kinabukasan. Pasado 1 ng hapon. Wala na ang anak niyang si Cindy. Hindi na siya kailan man makakauwi pa. Natagpuan ang kanyang walang buhay na katawan sa isang madamong bakanteng lote sa Barangay Apopong, General Santos City.

Mabilis naman siyang nakilala dahil sa kanyang suot at sa ID na naiwan. Naabutan ng mga pulis ang bangkay na nakatagilid at duguan ang mukha. Ayon sa paunang imbestigasyon, nagtamo siya ng matinding pinsala sa mukha. Halos hindi na ito makilala. May ilang ngipin na nabasag o natanggal at may mga bubog na nakita sa kaniyang katawan.

Sa tabi ng bangkay ay natagpuan ang isang basag na bote na pinaniniwalaang ginamit na pambugbog sa dalaga. Naiwan din sa crime scene ang isang pala at lubid. Gayunman, ayon sa mga imbestigador, wala silang nakitang palatandaan ng panggagahasa. Maayos pa ang kanyang suot at hindi man lang nabuksan ang mga butones nito. Nandoon pa rin ang karamihan sa kanyang mga gamit maliban sa kanyang cellphone.

Habang nagpapatuloy ang crime scene investigation ay nagsidatingan naman ang kanyang mga kamag-anak, kaibigan at kaklase. Halos lahat ay hindi makapaniwala. Napahagulgol ang kanyang mga kaibigan. Ang dating masayahing si Cindy ngayon ay isa ng malamig na katawan sa kanilang harapan. Lalo pang bumigat ang eksena ng dumating si Mang Ricardo.

Durog na durog ang kanyang puso sa nasaksihang kalagayan ng anak. Hindi niya matanggap ang nangyari at halos maglupasay siya sa sobrang sakit. Matapos ang pagresponde sa crime scene, dinala ang bangkay ni Cindy sa punerarya upang isailalim sa masusing pagsusuri. Nakumpirmang walang naganap na panghahalay.

Gayunman, naniniwala ang mga pulis na posibleng pinagtangkaan siyang gahasain ngunit nanlaban siya hanggang sa humantong sa pagpatay. May mga hibla ng buhok na na-recover sa kanyang kamay. Palatandaan na maaaring buhok ito ng salarin. Isinailalim ang mga ito sa DNA examination bilang bahagi ng imbestigasyon. Sa resulta ng autopsy, lumabas na pagkalunod ang agarang sanhi ng kanyang kamatayan.

May natagpuang putik sa kanyang mga baga. Indikasyon na siya ay inilublob habang buhay pa. Mayroon din siyang mga pinsala sa likod na posibleng dulot ng pagpalo marahil gamit ang palang natagpuan sa lugar. Batay sa teorya ng mga imbestigador, maaaring inatake siya habang sinusubukang tumakas o habang lumalaban. Pinalo, sinaktan at sa huli ay inilublob sa putik na noo’y basa at madulas dulot ng malakas na ulan ng gabing yon.

Isang mabigat na katotohanan na kahit sa mga huling sandali ng kanyang buhay ay ipinaglaban pa rin niya ang sarili at ang kanyang dangal. Nang makarating sa kanyang ina ang balita ay halos pagsakluban ito ng langit at lupa. Para sa isang inang tiniis ang hirap, lungkot at sakripisyo sa ibang bansa para sa kinabukasan ng mga anak ay napakasakit ng nangyari.

Sa isang iglap, tila naglaho ang lahat ng kaniyang mga pangarap at pagpupunyagi para kay Cindy. Naalala niya kung paano niya ito inalagaan at iningatan mula pagkabata at kung paanong sa huli kinitil ang buhay nito ng isang taong walang puso at konsensya. Mas lalo pang napahagulgol si Aling Arlene nang makauwi siya sa bansa at dumiretso sa kabaong ng kanyang anak.

Napakasakit ng tagpong yon. Hindi yun ang muling pagkikita na kanyang pinangarap. Nung umalis po ako, pumunta ng Cyprus is 2010 June. Yung flight ko kasi 10:00 so papasok siya ng school 7:30. Yung sinabi niya sa akin, “Mama, aalis ka na? Pagdating ko ng hapon hindi na hindi na kita makikita.” Yung ang huli-huling hug nung anak ko sa akin, niyakap niya ako.

Sinabi ko pa sa kanya, “Hindi anak, babalik din si mommy.” Mama akala ko nga ano after 2 years makabalik ako eh. Kaya lang nagsama sila ng fourth year college at saka si Cindy First year College. Kaya nagipit ako sa pera. Nag-hug siya. Hinug ko rin na parang pasimple lang. Hindi ko naman yun akalain na yun lang pala ang huling hug ng anak ko sa akin nung nasa Cyprus ako.

Tinitingnan ko yan sa FB tapos sine-shootan ko ‘yun ng camera ‘yung mga kuha niya doon. So minsan titingnan din ng kapwa ko doon Pinay. Sabi niya, “Sino bata na ‘yan?” Sabi ko, “Anak ko ‘yun.” Titingnan mo na ‘yung mukha ko. Sabi niya, “Anak mo ‘yun? Ang ganda.” Sabi niya, “Parang hindi sila maniwala na anak ko.”

Saka lagi siya nagsasabi na, “Ah, mama uwi ka na.” Sabi niya, “Miss na kita.” Pero sinasagot ko lang anak tiisin mo kung miss mo ako ng 10 beses sa akin 20. Naghirap lang ako dito para sa inyo para makatapos ka ng pag-aaral mo. Kasi alam mo sa Pinas mahirap ang pera. Hindi ko alam kung magkano kikitain ko sa isang buwan dito.

Sure ko na maba-budget ko na mapadala sayo saka hindi ko akalain na ganun na nagsikap ako yung bang pangarap ko sa anak ko na maka-graduate pag-uwi ko maka-graduate kasi yung bukang bibig ko doon sa mga kaibigan ko puro Cindy ang anak ko si Cindy pag naka-graduate uuwi ako. Ayaw ko na mag-abroad pagod na ako. Nagtitiis na ako sa anak ko.

Bumuhos naman ang pakikiramay para sa kanilang pamilya. Maging sa social media ay naging viral ang panawagang Justice for Cindy Rose. Marami ang nakisimpatya at nakidalamhati. Lalo na ang kanyang mga schoolmates na nagsagawa pa ng prayer vigil. Kasabay ng dalamhati ay ang galit ng publiko.

Higit isang dekada na ang lumipas ngunit nananatili ang panawagan ng ilan. Ibalik ang death penalty. Isang panukalang hanggang ngayon ay patuloy na pinagtatalunan at hindi pa rin naipapatupad. Sa gitna ng emosyon ay may mga nagtatanong. Nasaan na raw ang CHR, ang Gabriela at ang CBCP? Mga tanong na sumasalamin sa matinding damdamin ng taong bayan sa tuwing may ganitong karumal-dumal na krimen.

Sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ay agad bumuo ang kapulisan ng Task Force Villena. Natukoy nila ang huling tao na nakasama ni Cindy bago naganap ang krimen. Ang kaniyang kaibigan na tinawag sa pangalang alias Jojo. Dahil dito, naging person of interest siya at kalaunan ay itinuring na suspect. Inimbestigahan siya ng mga pulis ngunit mariin niyang itinanggi ang anumang kinalaman sa krimen.

Nagpakita pa siya ng mga text message bilang patunay na nagkahiwalay na sila ni Cindy noong gabing iyon at sumakay na raw ito ng tricycle pauwi. Sa mga mensahe bandang 1 ng madaling araw ay nabanggit pa ni Cindy na naubusan ng gasolina ang sinakyan niyang tricycle. Tinanong siya ni alias Jojo kung nasaan siya upang masundo. Naibigay pa raw ni Cindy ang kanyang lokasyon.

Sa huli, sinabi pa niyang natatakot siya na tila pinamamadali na ang kaibigan na puntahan siya. Ngunit matapos ang huling mensahe, hindi na raw siya nakatanggap ng reply at hindi na sila nagkita pa. Ngunit may pagdududa ang pamilya ni Cindy at ilang netizen. Para sa kanila, posible raw na gawa-gawa lamang ang usapan sa text.

At maaaring ang mismong salarin ang nagre-reply gamit ang cellphone ni Cindy. Lalo na’t hindi na rin ito natagpuan pa. Hindi naman binaliwala ng mga pulis ang pahayag tungkol sa tricycle driver na sinakyan umano ni Cindy. Sa isinagawang backtracking at masusing imbestigasyon, natukoy nila ang tricycle at ang driver na nakilalang si Norhan Guimbolanan, 38 years old, residente rin ng Barangay Apopong, General Santos City.

May sarili itong pamilya at limang anak. Ngunit nang puntahan ng mga pulis ang kanyang tirahan, tricycle na lamang ang kanilang naabutan, wala na siya roon. Sa isang tawag, nagbigay siya ng iba’t ibang paliwanag. Nagsimba raw siya, nagkasakit at may pinuntahang binyag ng anak. Subalit, matapos masangkot ang kanyang pangalan sa kaso, hindi na siya muling nagpakita.

Maging ang kanyang obligasyon sa pamilya lalo na sa kanyang maliliit na anak ay napabayaan na rin niya. Ayon sa mga pulis, 98% na nilang itinuturing na pangunahing suspect si Norhan. Batay sa mga nakalap na testimonya at ebidensya, handa na silang magsampa ng reklamo sa fiscal.

Gayunman, bahagyang naantala ang pagsasampa ng kaso dahil hindi agad nakapirma ang pamilya sa complaint affidavit sa kabila ng paulit-ulit na pagbalik ng mga pulis upang hikayatin sila. Ayon sa pamilya, nais pa nilang makasiguro ayaw nilang may inosenteng makulong o maling tao ang masampahan ng kaso. Maging ang alkalde ng lungsod ay nagpahayag din ng pangangailang mas palalimin pa ang imbestigasyon.

Dahil dito, humingi na rin ng tulong ang pamilya sa National Bureau of Investigation upang magsagawa ng hiwalay na imbestigasyon. Umaksyon naman ang NBI at nagsagawa ng parallel investigation. Kinapanayam nila ang mga kaibigan at kaklase ni Cindy. Maging si Alias Jojo ay isinailalim sa polygraph examination bagamat batid nilang hindi ito conclusive evidence.

Sa huli, inihayag nila ang resulta ng kanilang sariling imbestigasyon. Ang direksyon ng mga ebidensya at testimonya ay tumuturo kay Norhan Guimbolanan. Dahil dito, mas pinagigting ang manhunt operation laban sa kanya. Siyam na buwan din siyang nagtago hanggang sa noong October 14, 2014, tuluyan siyang naaresto ng pinagsanib na pwersa ng Kapulisan, National Bureau of Investigation at Philippine Marine sa Sarangani Province.

Inaresto siya sa bisa ng mga naunang hiwalay na warrant of arrest laban sa kanya para sa kasong frustrated murder at kasong may kaugnayan sa droga. Ngunit hindi naging madali ang kanyang pagkakahuli. Nakipagbarilan pa siya sa mga awtoridad dahilan upang tamaan siya sa dibdib.

Gayunman agad siyang isinugod sa ospital at palibhasay masamang damo kaya naisalba ang kanyang buhay. Sa kabila ng mabibigat na paratang, marami pa rin ang nanalangin na mabuhay siya hindi dahil sa deserve niya kundi upang mabigyang linaw ang lahat mula mismo sa kanyang mga sasabihin.

Ngunit nang magkamalay siya sa ospital habang nakaposas at mahigpit ang bantay ay mariin pa rin niyang itinanggi ang pagkakasangkot sa krimen. Nang tanungin kung bakit siya nagtago ay natakot daw siya sa mga pulis at para sa kanyang buhay. Sa kabila ng kanyang mga alibay ay isinampa pa rin laban sa kanya ang kasong murder.

Hindi naging madali ang laban ng pamilya ni Cindy. Kinailangan nila ng matinding determinasyon, pasensya, tiyaga, pera at higit sa lahat ay dasal upang panghawakan ang natitirang pag-asa para sa hustisya. Ilang taon silang pabalik-balik sa korte. May punto pang nag-alok ng plea bargaining ang abogado ni Norhan. Aamin na umano ito kapalit ng mas mababang parusang 20 taon.

Ibabawas pa rito ang mahigit 10 taon na nauna na niyang inilagi sa kulungan habang nililitis ang kaso. Ibig sabihin kung papayag ang pamilya maaaring 10 taon na lamang ang aktwal na ilalagi niya sa bilangguan. Ngunit para sa pamilya ni Cindy hindi ‘yun ganoon kadali. Para sa kanila hindi sapat ang dalawampung taon at kung sakaling makalabas pa siya may pangambang may iba na namang maging biktima.

Kaya pinili nilang ipaglaban ang kaso hanggang dulo at ipinagkatiwala na lamang sa Diyos ang kahihinatnan. Matapos maipresenta ang lahat ng testimonya at ebidensya nitong February 2026 lang, pagkalipas ng labindalawang taon ay tuluyan ng ibinaba ng korte ang hatol na guilty si Norhan Guimbolanan sa kasong murder.

Nahatulan siyang makulong ng reclusion perpetua o habang buhay na pagkabilanggo. Hindi man maibalik ng hatol na to ang buhay ni Cindy ay masaya pa rin sila dahil nakuha nila ang pinakahihintay na hustisya. Hindi lamang ito tagumpay para sa kanila kundi para sa bawat biktimang patuloy na lumalaban. Kaya huwag basta-basta susuko dahil kahit gaano man katagal ang hustisya ay maaari pa ring makamit.